/* Horizontal menu with 2 columns ----------------------------------------------- */ #menucol { width:940px; height:37px; background-image: -moz-linear-gradient(top, #666666, #000000); background-image: -webkit-gradient(linear, left top, left bottom, color-stop(0.00, #666666), color-stop(1.0, #000000)); filter: progid:DXImageTransform.Microsoft.Gradient(gradientType=0,startColorStr=#666666,endColorStr=#000000); border-bottom:1px solid #666666; border-top:1px solid #666666; margin:0 auto;padding:0 auto; overflow:hidden; } #topwrapper { width:940px; height:40px; margin:0 auto; padding:0 auto; } .clearit { clear: both; height: 0; line-height: 0.0; font-size: 0; } #top { width:100%; } #top, #top ul { padding: 0; margin: 0; list-style: none; } #top a { border-right:1px solid #333333; text-align:left; display: block; text-decoration: none; padding:10px 12px 11px; font:bold 14px Arial; text-transform:none; color:#eee; } #top a:hover { background:#000000; color:#F6F6F6; } #top a.submenucol { background-image: url(https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh4DSXY1i62h-PEJ3Oa0WfR9Ud45AS0xwlGT8s7FPmMX9sih9kWejLvKmPyusUUMEDed2J5rUUtTYPL3tlTYzAtgSahfiC_upYtaRivV0YINrCHhZ9yOFWnM6JTUsd4R-f9hEPyguOSE10/s1600/arrow_white.gif); background-repeat: no-repeat; padding: 10px 24px 11px 12px; background-position: right center; } #top li { float: left; position: relative; } #top li { position: static !important; width: auto; } #top li ul, #top ul li { width:300px; } #top ul li a { text-align:left; padding: 6px 15px; font-size:13px; font-weight:normal; text-transform:none; font-family:Arial, sans-serif; border:none; } #top li ul { z-index:100; position: absolute; display: none; background-color:#F1F1F1; margin-left:-80px; padding:10px 0; border-radius: 0px 0px 6px 6px; box-shadow:0 2px 2px rgba(0,0,0,0.6); filter:alpha(opacity=87); opacity:.87; } #top li ul li { width:150px; float:left; margin:0; padding:0; } #top li:hover ul, #top li.hvr ul { display: block; } #top li:hover ul a, #top li.hvr ul a { color:#333; background-color:transparent; text-decoration:none; } #top ul a:hover { text-decoration:underline!important; color:#444444 !important; }

Friday, November 15, 2024

Gay/Trans pageantry: Kanlungan o Kalaban?

Pitong taong gulang ako noong unang makapanood ng pageant. Una kong nasaksihan ito sa lumang basketball court ng aming barangay. Fiesta noon ng aming patrong San Nicolas De Tolentino at nasa pilahan ako ng pamimigay ng tinapay ng patron na pinaniniwalaang nakapanggagaling ng anumang sakit at nakapang-aakit ng biyaya sa buhay. Habang nakapila, napansin ko ang isang entabladong puno ng kumikislap na ilaw at kumikinang na disenyo. Nakasulat sa backdrop nito ay: Miss Gay Sireyna Ning San Nicolas 2002. Sa nabasang ito ay naalala ko ang Super Sireyna ng noontime show ng GMA, ang Eat Bulaga kung saan unang nasaksihan sa telebisyon ang mga naggagandahan at nagseseksihang kandidata. Mga tila dyosa at diwata habang suot ang makukulay na costume. Mga matatalino, mahuhusay umawit, sumayaw, at magpatawa. Mga mukhang babae ngunit baritono sa baba ng boses. Sa “Miss Gay Sireyna Ning San Nicolas” unang beses na masilayan sa personal ang mga kamanghamanghang indibidwal na sa murang edad ay hinangaan at sinubaybayan. Bukod sa nakahahalinang ganda, talino at nakamamanghang talentong naipapamalas ng mga kandidata sa mga Miss Gay at bilang isang bata noon na mahilig sumali sa mga kontes sa pag-awit, dagliang talumpati at paligsahan sa pagandahan at papogian na hindi nawawala sa kultura ng mga eskwelahan, nakita ko ang sarili sa mga kalahok ng mga Miss Gay. Ang kilig na nadarama kapag sumasali sa mga kontes ay katumbas ng kilig sa panonood ng pageant. Ang batang ako na pilit itinatago ang pagiging bakla ay sandaling nakakawala sa simpleng panonood ng paligsahang katulad nito. Sa murang edad, nahanap ko ang pageantry bilang isang kaibigan. Isang kaibigan na tagapawi ng lungkot at hinanakit mula sa mga kaibigang batang lalaki na binawalan ng mga magulang nila na makipaglaro sa akin dahil bakla raw ako at baka “mahawa” raw sila sa aking pagiging bakla. Ito ang dahilan kung bakit naisip noon na ang pagiging bakla ay isang sakit mula sa terminong baka “mahawa” kung kaya nakikipagsiksikan sa pila ng tinapay ng patrong San Nicolas dahil nga pinaniniwalaang nakapanggagaling ito ng anumang karamdaman. Bilang isang batang bakla na nagtatago at inayawan ng kalaro, natagpuan ko ang pageantry bilang isang kakampi. Natagpuan ko rin dito ang mga bagong kaibigan na mahilig din manood ng mga Miss Gay. Simula noon ay naging isang masugid na tagasubaybay ako ng paligsahan ng mga bakla sa entablado. Mula sa iba’t ibang barangay fiesta ay nag-aabang kaming magkakaibigan ng kontes para lang masaksihan ang nakakaaliw at nakakatuwang palabas. Isang palabas na nagtatanghal sa mga magagandang bakla. Isang entabladong nanganganak ng aming iniidolong kontesera. Isang entabladong naglalatag ng espasyo upang ipagsigawan ang gender identity, expression at iba’t ibang adbokasiya at representasyon. Sa maikling salita, isang paligsahang LGBTQIA+ ang bida. Dahil sa sobrang paghanga sa pageantry, pagiging competitive, at sa loob din ng ilang taong panonood ng Miss Gay ay may kung anong maharot na tinig sa akin ang nagtulak na maranasan maging isang reyna kung kaya sinubukan umakyat sa entablado para makipagbugbugan at makipagbardagulan. Sabi nga ng ilang mga bakla, hindi ka bakla kung hindi mo alam ang Miss Gay. Hindi ka totoong tagasubaybay kung hindi mo susubukang sumalang sa pageant. Naimbitahan na rin akong maging hurado, mag-organize mismo ng kompetisyon, mag-handle ng kandidata at naging make-up artist na rin ng isang “sireyna.” Sa mga makukulay na karanasang ito, napag-alaman ko na sa pagsabak sa bakbakan ng pagandahan, may dalawang bagay lamang ang maari mong asahan. Dagundong ng palakpakan o sigawan ng kahihiyan? Pupuriin ka ba o pagtsitsismisan? Wagi o ligwak? Mahusay o palpak? Sa pag-akyat sa entablado, inaalay ng kandidata ang buong sarili upang tasahin ng hurado sa limitadong resulta. Umaakyat upang magpakatay ng talent, ganda at talino, at sa kumpas ng hurado ay ang pagtatakda ng kapalaran niya kung siya ay hihirangin na panalo o isang talo. Paano ipinagkakanulo ang sarili sa mga numerong bigay ng mga huradong hindi naman nila kilala habang sila’y buong giliw na nagpapakitang gilas sa pag-asang makumbinse na siya ang nararapat na reyna? Anong mahika ang bumabalot sa korona at kinakaya ang kilatis na tila pagtalop sa balat upang ilantad ang hindi maarok na talino at ganda? Sa mismong entablado, makikita ang iba’t ibang pailaw, kumikislap na palamuti at nakakaengganyong tropeyo. Sa entabladong ito na pinamutiktikan ng magarbong disenyo ay lantarang mag-aagawan at magrarambulan ang mga kandidata sa para sa kumikinang na korona. Rarampa at maglalakad na naayon sa inensayong kumpas ng tila ventriloquist na choreographer. Pipilantik nang sabay-sabay at pare pareho dahil sa binting sinanay sa hampas ng pilantik ng taga ensayo. Aakting, kakanta at sasayaw sa limitadong oras upang maipakita ang talento. Sasagot sa paraang monologue, uungkatin ang kawili wili at sariling baho upang mapabango ang grado sa mga hurado. Matapos mairampa ang costume, mailantad ang katawan, maipamalas ang pinag-isipang talento at pinaghandaang sagutan, maghihintay ang mga kandidata sa resulta ng mga numerong magtatakda sa kanilang kapalaran. Kikilatisin ng malupit at kung minsa’y nakakahong pamantayan sa pagandahan. Sa kabila ng pagharap sa panloob at panlabas na kritisismo, ang gay at transpageantry ay nanatiling may bitbit na makabuluhang pwersa na nagtataguyod sa iba’t ibang adbokasiya at pagbabagong panlipunan. Masasabi rin na nagagamit ang platapormang ito upang palakasin o i-empower ang mga gay at transgender women laban sa mga isyung tulad ng gender-based violence at discrimination. Mula sa personal at makukulay na karanasan sa pagsali ng Miss Gay, ang danas na manalo at matalo, mag-handle at mag-organize ng pageant, maging hurado, make-up artist at designer, narito ang mga sariling pananaw tungkol sa gay at trans pageantry. 1. Sa pageantry, mas nagiging bakla ang mga bakla at mas nagiging trans ang mga trans. Sa tingin ko, mas nagkakaroon ng lakas ang mga bakla at trans na ilabas ang tunay na identidad dahil sa pageantry. Nailalabas ang galing sa public speaking, talento sa pagsayaw at pag-awit at higit sa lahat ang talino at talas ng isip. Sandaling pinapawi ng mga ilaw ang naging madilim na buhay ng mga bakla sa pagtatago dahil sa diskriminasyon at karahasan. Dahil dito, maari ring tingnan ang mga patimpalak bilang isang mahalagang bentahe upang madagdagan ang visibility at representation ng LGBTQIA+ community sa midya at publikong espasyo na humahamon sa gender stereotypes at umaambag sa pagsusulong ng pagtanggap at pag-unawa sa iba’t ibang gender identities . Kanlungan ang pageantry ng mga baklang na naghahanap ng sense of belongingness at security. Ayon sa panayam kay Matrica Mae Centino, isang trans icon, sikat at idolo ng mga kabataang trans na ilang dekada ng kontesera sa mga Miss Gay, ang pagpanik-panaog sa entablado ay parang isang tradisyon o isang akto ng pag-aambag sa kontribusyon ng LGBTQIA+ community sa nagbabagong lipunan. “Para sa akin at sa lahat ng nakasama kong kontesera, panata kasi ito, tradisyon kumbaga. Kung maraming umiidolo sa akin dahil sa paglaban ko sa mga pageant ay marapat lamang siguro na ipagpatuloy ko hanggat kaya ko. Nagbabago ang lipunan at hindi dapat magpahuli ang mga bakla. 46 na ako pero kaya pa naman ng ganda at katawan ko.” Iba-iba man ang dahilan ng mga bakla at trans sa pagsali sa pageant, masasabi siguro na isang tradisyon ang pagsali sa mga pageant na kung uugatin ay makikita mula sa nawawalang naratibo ng mga bakla sa kasaysayan dahil sa mga kolonisador. Noong panahon nga ng mga Amerikano sa bansa ay ang “resurgence ng queerness” ay sumulpot mula sa anyo ng pagtatanghal at isa sa mga isinasaentablado noon ay ang “vaudeville” o iyong early form ng teatro na kung saan ang “queerness” ay ginagamit sa anyo ng satire at comedy upang makapagpatawa na madalas ginagampan ng mga “non-queer” actor (Alegre, 2022). 2. Sa pageantry, naipagsisigawan ng mga bakla at trans ang kanya-kanyang adbokasiya sa maraming tao. Sa mga pageant, isang kultura ang pagbanggit ng mga kataga na madalas may bitbit na adbokasiya. Minsan itinatago sa isang joke pero kung pakikinggan mabuti, maganda at may saysay ang mga kataga ng mga kandidata. Sa sandaling maagaw ng bakla at trans ang mikropono, hindi nasasayang ang pagkakataong ito na masabi nila ang mga ipinaglalaban. Entertainment man ang dahilan ng karamihan kung bakit nanonood ng pageant, sigurado ako na sa likod ng maraming manonood, may iilan na aayon at gigising sa mga ipinagsisigawang adbokasiya ng mga bakla. Sa bawat pagtapak sa entablado ay isang akto ng paggiit na sila ay higit pa sa magandang hubog ng katawan at hitsura. Ang pagsali sa pageant ay isang ritwal at panata. Isang ritwal na inaalay sa buong komunidad. Isang panata na inaalay sa sarili, pinaglalabang espasyo at adbokasiya. Ang pagsali ng bakla at trans sa mga pageant ay nagsisilbing pagsali sa “movement” na nagbibigay pagkakaton sa queer community na mapakinggan, matanggap at marespeto bilang grupo ng tao na maaaring mamuhay ng may kumpiyansa at totoo sa sarili. Ayon nga sa panayam sa isang event organizer na si Marvey Bastida Cano na mababasa online mula sa sanaysay na Pride in Promp: Redefining The Status Quo Through Gay Pageantry binanggit niya na, “because we want our voices [to be] heard…so that our advocacies [and] ang among gipangandoy ang among gipangayo sa [local government unit (LGU)] mapadunggan ‘sad.” (upang ang aming mga adbokasiya, efforts, at pleas sa LGU ay mapakinggan). 3. Sa mundong ito ng pageantry, sa likod ng mga naggagandahang bakla at trans ay ang mga mahuhusay na designers, make-up artists, Q&A trainers at pageant handlers na naitatanghal. Hindi natatapos ang kuwento sa mismong nanalo. Nagiging pugad o kanlungan ng mga magagaling at mahuhusay na bakla ang pageantry. Supportive at nagkakaisa ang mga grupong ito sa kani kanilang mga hawak na kandidata. Sa madaling salita, nagiging kanlungan ang pageantry ng mg nabubuong samahan o pamilya na nagkakaisa upang tulungan ang isang kandidata na sumalang sa entablado. Ang pageantry ay nagiging tahanan ng mga talentadong bakla at trans. Nagtutulungan at nagkakaisa para sa alagang kandidata at dito naipapakita na ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat. 4. Gayunpaman, kung may nabubuong samahan at pamilya, mayroon ding nasisira at nawawatak dahil sa dayaan at siraan para lamang sa korona. May mga hindi makaturangang istandard at kultura sa mismong pageantry na nagiging dahilan ng samu’t saring diskriminasyon at opresyon, halimbawa ang “criteria for judging” at “traditional parameter” na madalas pumupuksa sa pangarap ng isang bakla at trans na makasali sa pageant na bunga rin ng tradisyunal na konsepto ng kagandahan sa lipunan. Sa mundo ng labanan sa pagandahan, ang mga bakla ay nagpapatayan sa masikip at makipot na apat na sulok na entablado. Ang matatapilok ay pagtatawanan. Ang mahuhulog ay maliligwak. Pinalaki ang lahat sa sandamakmak na digmaan kung kaya lagi tayong may gustong patunayan. Bakit hindi? Ganoon tayo hinuhubog ng lipunan. Binabansot tayo ng mga limitasyon upang manatiling maliit, nililigaw tayo ng mga diktang panlipunan upang hindi matagpuan ang sariling espasyo, binubusalan tayo para mawalan ng boses at pinagsasabong tayo para ilihis ang tunay na kalaban. Ayon kay King O’Riain, ang beauty pageant ay isang arena ng produksiyon ng ethnic, gender, cultural at sexual idendities at gayundin sa oppressive setting, ang beauty pageant ay maaring maging daan upang higit na mapalakas ang pwersa ng conventional gender roles at maaaring mapalaganap ang limited beauty standards na siyang mang-eetsapuwera sa mga hindi kabilang (2008). Ito ang mundo ng gay at trans pageantry. Nakakaakit ang entablado, naggagandahan at nagseseksihan ang mga kandidata, pinagpipitagan ang mga hurado at organizer, mga talentado ang mga handlers, designers at make-up artists ngunit sa likod ng nakakaenganyo at makulay na mundong ito ay ang kuwento sa likod ng entablado na nagtatago sa dilim. Dahil dito, masasabi na ang pageantry ay maaari ring maging pugad ng diskriminasyon, pang-aapi at gender stereotyping. Sa harap ng entablado, empowering ang atake ng ilaw, disensiyo, iba’t ibang kulay, pera, tropeyo at ang mismong presentasyon ng mga kandidata, ngunit sa likod ng entablado ay nananahan ang isang oppressive environment na nararapat pag-usapan at bigyang pansin. Sa likod ng limelight ay laging may kadiliman. Sa likod ng isang makulay na pagdiriwang may isang baklang nagmumukmok sa sulok at hindi pinasali dahil siya ay hindi pasok sa physival beauty requirement. Sa likod ng nagseseksihan at naggagandahang kalahok ay ang katawang binugbog sa strict diet at kung hindi pa kinaya ng diet at exercise ay retoke. Sa likod ng isang baklang nakangiti ng ilang oras upang masungkit maski ang “winsome smile” ay isang baklang kabado kung mauuwi lamang sa wala at kahihiyan ang pagsalang. Sa likod ng tagumpay ng kinoronahang reyna ng gabi ay ang kwento ng dayaang ginanap dahil kilala niya ang sponsor at judge. Ilan lamang ang mga ito sa mga tagong kuwentong hindi alam ng mga manonood. Mga kuwento sa likod ng entablado at nanatiling nasa likod lamang. Mga kuwentong pilit tinatago upang hindi mabahiran ang kinang ng entablado. Ito ang dalawang mukha ng pageantry. Mahalaga na mapag-aralan ang mga karanasan ng mga kontesera at maiugnay sa iba pang pag-aaral tungkol sa pageantry, upang maisiwalat ang nakatagong baho sa likod ng limelight at prestige nito. Sa sanaysay na “Beauty Pageants as a Stage For Raising Awareness of Queer Concerns and Fostering Acceptance” ni Roman-Tamesis, nabanggit na ang pageantry lalo sa Pilipinas ay may mahalagang tungkulin o ganap sa pagsulong ng pagbabagong panlipunan. Nagsisilbi ang pageantry na nagtatanghal hindi lamang ng pisikal na kagandahan at talento kundi bilang platform na aktibong nagsusulong ng “awareness” tungkol sa mga kritikal na usapin at isyu na nakakaapekto sa komunidad tulad ng pagtanggap at ekonomikong kalayaan (2023). Nagagamit ng bakla at trans ang entablado, spotlight at ang mikropono sa mga “highly visible events” na ito at naibabahagi nila ang kanilang boses at kuwento na nag-aambag sa mas ingklusibong lipunan at humahamon sa mga “preconceived notions” tungkol sa kasarian at seksuwalidad. Sa madaling sabi, napatitingkad ng pageantry ang halaga ng LGBTQIA+ at ang kanilang potentsyal na transpormasyon na lagpas sa glitz and glamour ng platform. Ayon kay Yuki Ito, isa ring kilalang kontesera sa mga gay at trans pageantry, ang nagbigay diin mula sa kanyang panayam na dapat ang mga beauty pageant ay nagsisilbing safe space para i-express ang queer identities ng mga LGBTQIA+ na walang anumang nararanasang hadlang o pagsubok. “I was told that I will never fit in and I will never be a queen dahil ako ay baklang matigas, bato-bato, borta o pabida. Pero hindi ko hinayan ang mga salitang ito para patunayan na kaya kong maging queen at gagamitin ko ang platform na ito to inspire people and raise certain causes awereness that are beneficial to us, including the cisgenders .” Kung gayon, maaring sabihin na ang gay at trans pageantry ay may ambag sa paghubog ng nagbabagong lipunan. Ang mga ambag na ito ay maaring sipatin bilang hamon sa traditional norms, pagbibigay tinig sa mga walang boses at pagtataguyod ng isang mas ingklusibong lipunan. Samakatuwid, hindi kalabisang sabihin na ang pageantry ay nagsisilbing sangtuwaryo ng self-expression at self-discovery para sa lahat lalo na ng mga LGBTQIA+. Naitatanghal ng mga queer participant ang kanilang sarili ng walang pag-aanlilangan dahil malaya sa panghuhusga at prejudice kung kaya lumilikha ng isang ng sense of security, safe space at support ang platform. Samantala, ang ganitong “role” ng pageantry ay maaring bumaligtad dahil imbes na maging platform na humahamon ng societal norms sa pamamagitan ng self-expression, maari itong maging pugad ng mas talamak na diskriminasyon at exclusion na lantad sa panayam ni Angela Bonifacio, isang kaibigang kontesera. “Minsan kahit gustong gusto ko sumali at maipakita ang galing ko sa question and answer portion (Q&A), ayaw ko na lang kasi first round pa lang talo na ako dahil sa mga criteria na 80% ang beauty at 20% ang intelligence. Kesyo, hindi pambabae katawan ko, kesyo maitim ako at negra. Paano ako makakasagot sa Q&A kung hindi naman ako makakapasok sa finals lalo na’t puro beauty lang ang tinitingnan sa mga unang round? Tapos minsan, screening pa lang, nililigwak na ako dahil di raw ako pasok sa standards (2024)” Maganda ang hangarin ng beauty pageants upang maging safe at supportive space para sa mga LGBTQIA+, ngunit paano nga naman mababago ang conventional notions ng beauty at gender kung ang mismong platform minsan ay ang mismong dambuhalang tumataliwas sa ipinagsisigawang safe at supportive space? Sang ayon kay Meyer (2023), malaki ang kontribusyon ng stigma, prejudice at diskriminasyon sa pagkabuo ng isang “hostile” at “stressful social environment” na maaring magdulot ng mental health problems. Dagdag pa rito, binigyang diin ni Meyer ang expectations of rejections, hiding, concealing, at internalized homophobia. Paano na ang bakla kung ang mismong mundo na inaasahang kakanlong at bubuo ng “sense of community and belongingness” ay magiging oppressive setting? Kung nangangarap ang komunidad ng isang mapagtanggap at ingklusibong lipunan, nararapat lamang na magsimula ito sa mundong kanilang ginagalawan. Kanlungan ba o isang refuge ang gay/trans pageantry para sa LGBTQIA+ o pugad ng opresyon at diskriminasyon? SANGGUNIAN MGA ONLINE ARTICLE AT E-BOOK Alegre, B. R. (2022). From Asog to Bakla to Transpinay: weaving a complex history of transness and decolonizing the future. Alon: Journal for Filipinx American and Diasporic Studies, 2(1), 51–64. https://www.jstor.org/stable/48656850 Binay, R., Pena, M. A., & Vargas, K. (2023, June 30). Pride in pomp: Redefining the status quo through gay pageantry. The LaSallian. Retrieved November 12, 2024, from https://thelasallian.com/2023/06/30/pride-in-pomp-redefining-the-status-quo-through-gay-pageantry/ Campen, R., Workman, J. L., & Archibald, J. G. (2022). In search of safety: A case study of LGBT+ college students’ perception of safe spaces at a rural university. Georgia Journal of College Student Affairs, 38(1), 37–58. https://doi.org/10.20429/gcpa.2022.380103 Capili, J. W., & Blas, F. (2003). Mabuhay to beauty! : profiles of beauties and essays on pageants | WorldCat.org. Retrieved November 12, 2024, from https://search.worldcat.org/title/Mabuhay-to-beauty!-:-profiles-of-beauties-and-essays-on-pageants/oclc/53224271 King‐O’Riain, R. C. (2007). Making the Perfect Queen: the cultural production of identities in beauty pageants. Sociology Compass, 2(1), 74–83. https://doi.org/10.1111/j.1751-9020.2007.00056.x Manalastas, E. J., & Torre, B. A. (2016). LGBT psychology in the Philippines. Psychology of Sexualities Review, 7(1), 60–72. https://doi.org/10.53841/bpssex.2016.7.1.60 Meyer, I. H. (2003). Prejudice, social stress, and mental health in lesbian, gay, and bisexual populations: Conceptual issues and research evidence. Psychological Bulletin, 129(5), 674–697. https://doi.org/10.1037/0033-2909.129.5.674 Roman-Tamesis, J. (2023). Beyond the Crown: Exploring queer narratives and transformation in Philippine beauty pageants. https://ejournals.ph/article.php?id=24051 MGA PANAYAM Bonifacio, Angela. Personal interview. 28 July 2024. Centino, Matrica Mae. Personal interview. 23 July 2024. Ito, Yuki. Personal interview. 25 July 2024.
Ang sanaysay ay lahok sa Saranggola PH Awards.

No comments:

Post a Comment